Amok: Ex-mayor, kawal dedo

CAMP CRAME - Matinding depresyon sa sakit na malaria ang naging ugat ng kamatayan ng isang dating alkalde ng Tuburan, Basilan matapos na pagbabarilin ng mga nagrespondeng pulis dahil sa ginawang pag-amok sa loob ng ospital sa Zamboanga City na ikinasawi rin ng isang kawal noong nakalipas na linggo.

Ang biktima na tinamaan sa ulo at sikmura ay nakilalang si Hadji Alib Talib ng Brgy. Guiwan, Zamboanga City, samantala, si Jimmy Ibañez ng Phil. Air Force at residente ng upper Calarian ay nabaril at napatay ni Talib.

Nasugatan naman si SPO1 Ismael Salbayani at tatlong sibilyan na hindi nabatid ang pangalan sa naganap na pangyayari bandang alas-2 ng madaling-araw sa loob ng Brent Hospital.

Ayon sa ulat mula sa Camp Crame, isinugod si Talib sa naturang ospital dahil sa sakit na malaria ngunit ilang minuto pa lamang ang nakalilipas ay nag-amok na ito at inagaw ang shotgun ng isang guwardiya.

Sinunog pa ni Talib ang dalawang kuwarto ng ospital saka nagpaputok ng sunud-sunod kaya minalas na tamaan ng ligaw na bala si Ibañez hanggang napilitang puntiryahin nang nagrespondeng pulis ang dating alkalde na ikinasawi nito. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments