Trader initak ng pamangkin, dedo

BATO, Catanduanes – Isang 65-anyos na negosyante ang kumpirmadong nasawi matapos na itakin ng kanyang pamangking praning habang ang biktima ay nagbabasa ng libro sa loob ng sariling bahay sa Brgy. Guinobatan sa bayang ito kamakalawa ng umaga.

Nagtamo ng malalim na sugat sa mukha at ulo ang biktimang si Casimiro Rodriguez, binata, samantala, ang suspek na praning ay nakilalang si Melchor Rodriguez, 30, binata at magkasama sa bahay sa nabanggit na barangay.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-11 ng umaga makaraang mamataan ng ilang kasambahay na ang suspek ay pinagmamasdan ang biktima saka nilapitan.

Napag-alaman pa na biglang umalis sa tabi ng biktima ang suspek saka tinungo ang kusina upang kunin ang itak na ginamit sa krimen.

Sa bilis ng pangyayari ay hindi na nakuha pang awatin ng mga kasambahay ang suspek sa pagpatay sa kanyang tiyuhin dahil sa takot na mapagbalingan.

Kaya kaagad namang humingi ng saklolo ang mga kasambahay ng biktima sa ilang opisyal ng barangay at nadakip ang praning na suspek. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments