Ito ang madamdaming pahayag ng isang ginang matapos na mailigtas ng mga awtoridad sa ginawang pangho-hostage ng kanyang mister ng halos dalawang oras ng hostage drama sa Brgy. Burol Mayondon, Los Baños ng nasabing lalawigan kahapon.
Ang suspek ay nakilalang si Carlos Henry Troy Donato, tricycle driber at residente ng Villa Carmen ng nasabing lugar.
Lumalabas sa ulat, bago naganap ang hostage drama ay nagtungo sa himpilan ng 4th Criminal Investigation and Detection Unit si Gng. Erlinda Donato, 34, dating domestic helper sa Hong Kong kasama ang 14-anyos na dalagitang anak na itinago sa pangalang Veronica upang magsampa ng kasong rape sa suspek.
Napag-alaman na ilang beses nang ginahasa ng suspek ang kanyang anak noong ito ay 11-anyos pa lamang habang ang ina nito ay nagtatrabaho sa nasabing bansa.
Kaagad na bumuo ng grupo si P/Supt. Maximo Malabanan, hepe ng CIDU para magtungo sa bahay ng pamilya Donato at arestuhin ang suspek.
Ganap na alas-11:30 ng umaga ay namataan ng suspek ang kanyang mag-ina na may kasamang mga pulis at kinutuban ito na siya ay aarestuhin.
Kaya naman sa pagpasok ni Erlinda sa bahay ay agad siyang sinalubong ng asawa at agad na tinutukan ng kutsilyo sa tagiliran at ginawang hostage.
Maaaring nasa isip ng mga awtoridad ang naganap na hostage drama sa Pasay City na ayaw na nila ulit mangyari kaya naman agad silang gumawa ng plano para masagip ang biktima.
Habang nakikipag-ugnayan ang mga opisyal ng CIDU at barangay tanod ay nagkaroon ng pagkakataon na makahulagpos ang biktima sa kamay ng asawa na nagresulta sa pagkakasagip sa ginang at pagkakaaresto sa suspek.(Ulat ni Ed Amoroso)