Kasunod na ipinag-utos ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang pagsuyod sa mga pinagkukutaan ng mga terorista sa Luzon.
Magugunita na sunud-sunod na naaresto ng magkakasanib na puwersa ng militar at pulisya ang mga terorista sa magkakahiwalay na operasyon sa Pangasinan at Tarlac kamakailan.
Base sa nakuhang mga dokumento sa mga suspek na sina Dawud del Rosario Santos, Pio Abogne de Vera, Marcelo Cenar Egil, Allan Al Hakim, Barlagdaton, Redendo Cain Dellosa, Angelito Trinidad, Omar Mayumo, Rinduan Isamuddi at ang napaslang sa engkuwentong si Khalid Amir ay mga kaalyado ni Osama bin Laden na may balak magtayo ng terrorist cell sa Luzon partikular na sa Tarlac at Baguio City.
May posibilidad na ang mga terorista ay nagsipagtago sa Luzon matapos maaresto si Indonesian terrorist Fathur Rohman Al-Ghozi noong Pebrero 15 sa Quiapo, Manila at ikinanta nito ang tone-toneladang eksplosibo ang nakumpiska sa hideout ng grupo sa Cagayan de Oro City.
Samantalang umiwas umanong magtago ang mga terorista sa Mindanao bunga ng presensiya ng mga sundalong Kano na kalahok sa Balikatan sa Zamboanga City at Basilan dahilan sa masyado na silang mainit sa mata ng mga awtoridad sa nasabing rehiyon.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng operasyon ang magkakasanib na elemento ng militar at pulisya upang hadlangan ang umanoy plano ring magtayo ng terrorists cell sa Cebu City at iba pang mga pangunahing lungsod sa Visayas Region ng mga terorista. (Ulat ni Joy Cantos)