Ang tatlong suspek na nagtungo sa Bachelors Office and Ouarters (BOQ) ni PNP Provincial Director P/Sr. Supt. Rodolfo Mendoza, Jr. upang pag-usapan ang pagpapatuloy ng operasyon ng jueteng ay nakilalang sina Atty. Jose Allan Tebelin ng #5 F. Intalan St., Bagong Ilog, Pasig City, Major Rodolfo Isidro at Daniel Escoto dela Torree.
Kinumpiska ng pulisya ang caliber .45 at kasalukuyang bineberipika at nag-request na sa PNP headquarters na i-revoke ang lisensya nito dahil sa ginagamit ito sa katiwalian.
Ayon sa ulat, nagtungo ang tatlo sa nabanggit na opisina sakay ng green Terrano car (WAF-678) subalit bago pa magpunta ang mga suspek ay alerto na si Mendoza sa modus operandi nila dahil sa impormasyon mula sa Central Police District (CPD).
Sinabi ng mga suspek kay Mendoza na may basbas na ang kanilang operasyon sa jueteng mula kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, First Gentleman Mike Arroyo, DILG Sec. Joey Lina, PNP Chief Director General Leandro Mendoza at PNP Regional Director for Region 1 P/Chief Supt. Arturo Lomibao.
Ayon kay Mendoza, si Tebelin ay may koneksyon sa Malacañang na isang nagngangalang Martin Maningi Senciego bilang technical assistant to the President at kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad.
Pinabulaanan naman ni Tebelin ang akusasyon ni Mendoza subalit tumangging magkomento kung bakit naroon sila sa opisina ng naturang opisyal. (Ulat ni Eva de Leon)