Kinilala ang nasawing piloto na si Capt. Daniel Teodoro Policarpio, fighter pilot ng Air Force 5th Fighter Wing na nasa ilalim ng pamumuno ni Brig. Gen. Paulito Durano na nakabase sa Basa Air Base, Pampanga.
Nakilala naman ang tatlo sa limang mga nasugatang sibilyan na sina Jess Rivera, Junior dela Cruz at Virginia Garcia na isinugod sa pagamutan.
Ang mga biktima ay nahagip matapos na bumagsak ang sumambulat na jet malapit sa kanilang kinaroroonan.
Sinabi ni Major Allan Ballesteros, spokesman ng 600 Air Base Wing na nakabase sa Clark, nabatid na bandang alas-10:45 ng umaga ng maganap ang pangyayari sa compound na nasasakupan ng isang eskuwelahan at munisipyo ng bayan ng Mabalacat.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong nagkaroon ng pagsabog sa himpapawid hanggang sa bumulusok ang jet sa naturang lugar.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na nagtake-off muna ang F5 kasama ang isa pang F5 at 2US F18 fighter jets bandang alas-9 ng umaga kahapon para magsilbing air cover sa idinaraos na amphibious assault training sa Balikatan exercises ng tropa ng Pilipinas at Estados Unidos sa Ternate, Cavite.
Kaugnay nito, ipinag-utos na ni PAF Chief Lt. Gen. Benjamin Defensor ang masusing imbestigasyon upang mabatid kung pilot error o engine trouble ang naging sanhi ng sakuna. (Ulat nina Joy cantos,Doris Franche at Butch Quejada)