4 kuta ng NPA sinalakay ng militar

CAMP AGUINALDO – Sari-saring armas at bala ang nasamsam ng militar matapos salakayin ang apat na safehouse ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang operasyon sa Brgy. Dulangan II, Bago, Oriental Mindoro, ayon sa ulat kahapon.

Bandang alas-5:00 ng hapon nang salakayin ng tropa ng 204th Brigade ng Phil. Army sa pamumuno ni 1st Lt. Macarandan Jr. ang apat na safehouses ng mga rebelde.

Gayunman ni isang rebelde ay walang inabutan ang mga sundalo matapos matunugan ang papalapit na puwersa ng tropa ng gobyerno.

Kabilang sa mga nasamsam ay isang homemade 12 gauge shotgun, homemade caliber .38 revolver, ICOM radio, Russian Binocular, tatlong magazine para sa cal. 30 M1 carbine, 52 rounds ng bala para sa M16 rifle, 12 rounds ng bala para sa shotgun at mga subersibong dokumento.

Kaugnay nito, apat na miyembro naman ng NPA ang boluntaryong sumuko sa mga operatiba ng militar sa Brgy. Villa, Porac, Pampanga.

Nakilala ang mga sumukong rebelde na sina Vernadel Santos alyas Ka Blanca, Michael dela Cruz alyas Ka Dennis, Mrs. Maricel Sibal alyas Ka Gissel at Armando Sibal alyas Ka Marty, pawang kasapi ng Samahang Unit Pampropaganda na may codename na Panday. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments