Mag-utol nagsuntukan na nauwi sa patayan

SARIAYA, Quezon – Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay napatay sa saksak ang nakababatang kapatid ng kanyang kuya sa kanilang bahay sa Sitio Medina, Barangay Sto. Cristo sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Hindi na umabot pa ng buhay sa Greg Hospital ang biktimang si Romeo Cantos, isang empleyado ng JAC Bus Liner, samantala, ang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay nakilalang si Rodelito Cantos na kapwa residente ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ni P/Chief Inps. Romeo Caranza, hepe ng pulisya sa bayang ito, senglot na dumating ang biktima sa kanilang bahay dakong alas-8:30 ng gabi.

Kinompronta ni Rodelito ang kanyang utol hanggang sa mauwi sa mainitang pagtatalo dahil sa pabalang na sumagot.

Napag-alaman pa sa ulat na nagsuntukan pa ang magkapatid hanggang sa makakuha ng patalim ang suspek saka inundayan ng saksak ang nakababatang kapatid. (Ulat nina Tony Sandoval at Celine Tutor)

Show comments