Mister nilikida sa harap ng pamilya

TANZA, Cavite – Isang mister ang binistay ng bala ng baril hanggang sa mapatay ng mga hindi pa nakikilalang killer sa harap mismo ng kanyang pamilya habang nagmamaneho ng kotse sa loob ng Belvedere Town Subd., Brgy. Paradahan 1 sa bayang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na isang senior supervisor ng hindi nabatid na pabrika ay nakilalang si Erwin Baraquio, 34, samantala, ang asawa nitong si Marites, 31 ay tinamaan sa hita at nakaligtas naman sa tiyak na kamatayan ang mga anak na sina Brando Jegue, anim na buwang gulang; Kevin Russel at pamangking si Jasmin Malagad, 12 na pawang nakasakay sa Toyota Corolla (TCH-668).

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO1 Neil Morano, namataan at nakuha naman ng security guard na kasalukuyang nagbabantay sa Belvedere Town Subd. ang plaka ng pampasaherong dyip (DVY-892) na sinakyan ng mga suspek na papalabas ng naturang lugar matapos isagawa ang krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)

Show comments