Ayon sa ibinigay na impormasyon mula sa Balikatan 02-2 Combined/Joint Information Bureau (CJIB), napag-alaman na nakatakda sanang dumating kamakalawa ang panibagong batch ng US personnel na karamihan ay US Marines subalit ito ay ipinagpaliban sa hindi ibinunyag na dahilan.
Sinabi ni Presidential Commission on Visiting Forces Agreement (VFACOM) Army Maj. Elmer Quiros, ganap na alas-9:00 ng umaga nang dumating ang mga sundalong Amerikano lulan ng tatlong malalaking C-130 cargo planes at isang Australian commercial vessel.
Bukod sa mga sundalong Kano ay diniskarga rin ang tatlong howitzers at ilang trucks.
Ang bagong batch ng US troops ay nagmula sa kanilang call of duty sa "Pacific area" na nakatalaga sa Guam at Okinawa, Japan.
Idinagdag pa ni Quiros na may 2,710 US troops mula sa Navy, Marines, Air Force at Army, samantalang may 2,900 bilang naman mula sa hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nakatakdang sumali sa panibagong Balikatan war games sa gitnang Luzon ngayong taon.
Kaugnay nito, may kabuuang 1,000 US contingent at 2 Cobra helicopter gunships ang nauna ng nasa bansa at sila ay kasalukuyang nakaantabay sa Fort Magsaysay sa Nueva, Ecija, Marine Base sa Cavite at sa Clark Base sa Pampanga.
Samantala, iniutos naman ni Police Regional Office 3 (PRO3) Director Chief Supt. Reynaldo Berroya sa mga Provincial at City Directors sa Central Luzon na magtalaga ng karagdagang pulis na magbibigay seguridad at proteksyon sa mga sundalong Kano lalo nat sila ay papayagang lumabas ng kanilang base. (Ulat ni Jeff Tombado)