Copra ang dahilan ng sunog sa barko

Masusi ngayong sinisiyasat ng special board of inquiry na binuo ng Department of Transportation and Communications (DOTC) na pinaniniwalaang pagluluto ng copra sa cargo section ng M/V Maria Carmela ang sanhi ng pagkasunog nito na ikinamatay ng maraming pasahero.

Sa ulat na ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG), nabatid na nagluluto umano ng copra ang mga tripulante sa cargo section ng barko bago maganap ang pagsiklab ng malaking apoy na agad na kumalat sa paligid.

Sinabi ng ilang pasaherong nakaligtas na masyado umanong malapit ang pinaglulutuan ng copra sa makina ng barko na maaaring nakaapekto at dito nagsimula ang pagsiklab.

Kinumpirma naman ni PCG Rear Admiral Reuben Lista na may 28 ng pasahero ang kumpirmadong nasawi sa trahedya. Tinatayang may 243 pasahero ang opisyal na nakalista sa talaan. Samantala, mahigit sa 80 pa ang dagdag na sakay na hindi nakatala.

Kasalukuyang nagsasagawa pa rin ng search and rescue operation ang mga tauhan ng PCG sa mga natitirang pasaherong hindi pa nakikita habang hindi pa naman lumulubog ang barko na patuloy pa rin sa pagliyab.

Kasabay nito, inatasan ni DOTC Secretary Pantaleon Alvarez ang binuo niyang board na isumite ang resulta ng imbestigasyon sa loob lamang ng 30 araw upang mabatid ang tunay na sanhi ng sunog at maparusahan ang lahat ng may pagkakasala.

Kinumpirma naman ng PCG na sumusunod naman ang M/V Maria Carmela sa pamantayan at alituntunin ng ahensiya sa paglalayag at nasa maayos na kundisyon ito bago maganap ang insidente.

Kinilala ni Capt. Reymundo Cruz ng 5th Coast Guard District sa Batangas ang 22 sa 28 pangalan ng pasahero na nasawi ay sina Babylyn Odad, 38, Buenafuerte, Masbate; Joel Odad, 7, Masbate; Enrico Lao, 48, San Juan, Batangas; Marivic Luzong, 37, Tondo, Manila; Rebecca Barana, 48, Balud, Masbate; Rosario Burdeos, 60, Uzon, Masbate; Rosemarie Moses, 17, Masbate; Lodis Mestiola, 45, San Fernando, Masbate; Rosena Dela Cruz, 71, San Fernando, Masbate; Ronnel Guru, 5, San Roque, Masbate; Clarita Banez, 52, Balud, Masbate; Katrina Dy, 5, Masbate; Andrew Sullano, 10, Masbate; Shiela Zaragoza, 7, Caloocan City; Olimpio Almanzor, 61, Masbate; Nenita Mendoza; Tita Acuña; Lolita Villaruel; Ella May Arandain; Mary Anne Tamayo; Arnel Catibog; Nica Ann Verdeda, 4, Masbate; 3 pang unidentified, female wearing polka dot blouse; female wearing red blouse at unidentified person burned beyond recognition. (Ulat nina Danilo Garcia,Arnell Ozaeta, Tony Sandoval, Joy Cantos at Rudy Andal)

Show comments