KFR bumanat uli; trader kinidnap sa Cainta

CAINTA, Rizal – Muli na namang bumanat ang sindikato ng kidnap-for-ransom group makaraang dukutin ang isang Tsinoy trader sa harap ng Cainta Fair Center sa kahabaan ng Felix Avenue, Cainta, Rizal kamakalawa ng gabi.

Sa kasalukuyan ay inilihim ng mga awtoridad ang pangyayari ngunit napag-alaman ng PSN na si Albert Yam, alyas Albert ay kinidnap habang sakay ng kanyang Toyota Prado na kulay berde na may plakang UTJ-112.

Nabatid sa ulat na naganap ang pangyayari dakong alas-7:30 ng gabi nang harangin ng limang armadong kalalakihan ang biktima mula sa pamimili sa nabanggit na lugar.

Inilipat ng sasakyang Toyota lite ace na walang plaka ang biktima saka pinaharurot sa hindi nabatid na direksyon.

Kasalukuyan pang inaabatan ng pamilya ni Yam ang tawag sa telepono ng mga kidnaper. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments