Trader inaresto sa 'kidnap me'

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dahil sa ginawang panloloko ng isang negosyanteng babae sa mga awtoridad na kinidnap siya at ang kanyang anak na batang babae ay nagresulta upang dakpin siya ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) makaraang lumutang sa isinagawang ransom payment sa Barangay Turbina, Calamba, Laguna kamakalawa ng gabi.

Kasalukuyang nakapiit ang businesswoman na si Olivia Belano ng Barangay Balibago, Sta. Rosa, Laguna.

Sinabi ni P/Superintendent Maximo Malabanan, lumalabas na "kidnap me" ang napaulat na kinidnap ang mag-ina noong Lunes ng hapon habang namimili daw ang mga biktima sa nabanggit na barangay.

Base sa naunang imbestigasyon ni SPO3 Rosevelt Legaspi, pinalalabas ng mag-ina na kinidnap sila ng tatlong hindi kilalang kalalakihan bandang alas-2:30 ng hapon.

Kaagad naman nakipag-ugnayan ang asawa ni Olivia na si Cesar sa mga awtoridad dahil sa nakatanggap ng text message mula sa cellphone ni Olivia na humihingi ng P.1 milyon ang mga kidnaper.

Subalit binawi nito ang text message at sa halip ay ilagay na lamang sa ATM ang ransom at dito na naghinala ang mga awtoridad dahil si Olivia lamang ang nakikipag-ugnayan sa asawa.

Ayon pa sa ulat na huling tumawag si Olivia sa asawa na magkita sila sa Barangay Turbina bandang alas-7:30 ng gabi ngunit lingid sa kaalaman ng mag-asawa ay tinitiktikan na sila ng mga operatiba ng CIDG kaya nabuko ang ginawang modus operandi ng suspek. (Ulat nina Ed Amoroso at Doris Franche)

Show comments