Mag-utol dinedo sa videoke bar

LUCENA CITY – Dahil sa masamang makatitig ay naging ugat ng kamatayan ng magkapatid na lalaki makaraang pagtulungang saksakin ng dalawang tomador sa loob ng videoke bar sa Barangay Talao-Talao sa lungsod na ito kamakalawa ng gabi.

Idineklarang patay sa Quezon Memorial Hospital ang mag-utol na sina Rommel, 27, may asawa at bunsong kapatid na si Rodel Tano, 22, kapwa mangingisda ng nabanggit na barangay.

Samantala, ang isa sa mga suspek na ngayon ay nasa ospital ay nakilalang si Ronnie Valencia, 36, samantala, ang kasabwat nito na mabilis tumakas ay si Victor Ilagan.

Sa inisyal na imbestigasyon nina SPO4 Marcelino Uy at PO3 Benjamin Jabrica, naganap ang krimen dakong alas-10:30 ng gabi sa Talao-Talao videoke bar.

Pumasok ang dalawang suspek sa videoke bar saka umupo malapit sa mesa ng mag-utol ngunit may ilang oras pa lamang ang nakalilipas ay nagkatitigan na ang apat.

Dahil sa pawang mga senglot na ay nagkaroon ng rambulan hanggang sa magbunot ng patalim ang mga suspek at saksakin ang mag-utol. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments