1 patay, 3 grabe sa banggaan ng bus at kotse

ATIMONAN, Quezon — Isang 40-anyos na misis ang nasawi, samantalang tatlo nitong kasambahay ang nasugatan makaraang salpukin ng kasalubong na pampasaherong bus ang kotse ng mga biktima sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Malinao Ilaya sa bayang ito kamakalawa ng madaling-araw.

Namatay ang biktimang si Rosminie Balderama, samantala, sina Elena, 50, Jomari Magpantay, 12, at Jon-Jon Balderama, 12, ng Bacoor, Cavite, ay inoobserbahan sa Emie Joana Hospital.

Sa ulat ng pulisya, binabagtas ng Toyota Revo (WTU-647) na sinasakyan ng mga biktima patungong Gumaca ang kahabaan ng highway nang hindi nito napansin ang nag-overtake na Philtranco bus (EVH-875) na minamaneho naman ni Renato Bikos patungong Maynila kaya naganap ang sakuna. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments