Kinilala ni P/Chief Insp. Ferdinand De Castro, hepe ng Naujan PNP ang mga biktimang sina Tomas Mercado, 70, asawang si Constancia, 68 at pamangking si Democrito Joel Carandang, 32 na pawang residente ng nabanggit na barangay.
Ang mag-asawang Mercado ay may-ari ng malaking piggery farm at sakahan ng palay sa kanilang barangay kaya pinupuntahan ng mga rebeldeng NPA upang manghingi ng revolutionary tax.
Napag-alaman sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungong muli ang mga rebelde sa bahay ng mag-asawa upang humingi ng pangsuporta sa kanilang kilusan.
Nabatid pa sa mga kapitbahay ng mga biktima na nainsulto ang mga rebelde dahil sa P1,000 lamang ang naibigay nito bilang revolutionary tax kaya isinauli ang naturang halaga sa mag-asawa sabay alis.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, nakarinig na lamang ang mga kapitbahay ng malalakas na putok ng baril mula sa bahay ng mga biktima at kinabukasan ay natagpuan na lamang ng isa sa kapitbahay na si Leo Mendoza ang duguang bangkay ng mag-asawa at pamangkin nito dakong alas-8 ng umaga.
Gayunman, dinakip ng pulisya ang isang nagngangalang Joselito Adeva na namataan ng ilang kapitbahay na umaaligid sa bahay ng mag-asawa bago maganap ang krimen.
Nabatid pa sa ulat ng pulisya na hindi nakuha ng mga rebelde ang halagang P.3 milyon mula sa mag-asawa na nakatago sa aparador ng bahay. (Ulat nina Arnell Ozaeta at Doris Franche)