Barangay kagawad umawat napatay

VILLASIS, Pangasinan – Isang barangay kagawad na pinaniniwalaang umawat sa naganap na rambulan ang iniulat na napatay makaraang pagtulungang gulpihin noong nakaraang linggo sa Brgy. San Blas sa bayang ito.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Jaime Raquiza, 39, may asawa ng nabanggit na barangay.

Samantala, ang mga suspek na ngayon ay nakakulong sa Balungao District Jail ay nakilalang sina Nelson Milano, 24; mag-tiyuhing Bryan Racela, 25 at Filjoy Racela, 17, na pawang mga residente ng naturang lugar.

Base sa isinumiteng ulat kay P/Chief Insp. Fidel Drapeza, hepe ng pulisya sa bayang ito, naganap ang rambulan bandang alas-9 ng gabi makaraang magsagupa ang grupo nina Racela at Jun Bascos malapit sa barangay hall.

Napag-alaman pa sa ulat na nasa loob ng barangay hall ang biktima nang lumabas upang umawat sa rambulan subalit napagdiskitahan si Raquiza hanggang sa ito ay mapatay. (Ulat ni Erickson Lovino)

Show comments