Sinabi kahapon ni AFP spokesman Brig. Gen. Edilberto Adan, tinaon ang naganap ang pagpapasabog bandang alas-5:15 ng umaga habang namimili ang mga residente sa nabanggit na palengke sa Crossroad ng Gen. Arolas at Hadji Buto Sts. sa kapitolyo ng Jolo.
Lumalabas sa inisyal na pagsisiyasat nina P/Supt. Yusup Asjudi, hepe ng pulisya sa bayang ito at lokal military chief Romeo Tolentino na pangunahing suspek ay mga kaalyado ni Misuari at mga miyembro ng kidnap-for ransom na Abu Sayyaf.
Kinilala ng pulisya ang isa sa apat na nasawi na si Jose Guillermo, samantalang ang dalawang bata at isang matandang babae na kasalukuyan pang bineberipika ang mga pangalan ay binawian ng buhay sa pinagdalhang ospital dahil sa tumamang sharpnel sa kanilang katawan.
Ayon kay Tolentino na ang naturang lugar ay naunang inatake ng mga loyalista ni Misuari noong kasagsagan ng rebelyon noong nakaraang taon at inakupahan din ng mga bandidong Abu Sayyaf.
Sinabi pa ni Tolentino na hindi nila inaalis ang anggulong paghihiganti ng ilang gang na may modus operanding extortion sa palengke o kaya naman ay isang diversionary tactic ng Sayyaf dahil sa pagsisimula ng RP-US joint military exercises sa kalapit na isla ng Basilan.
Idinagdag pa ni Adan na hindi makakaapekto ang naganap na pangyayari sa joint operations ng 600 US troops at sundalong Pinoy sa Basilan upang durugin ang mga bandidong Abu Sayyaf na iniuugnay sa al-Qaeda network ni Saudi-born terrorist Osama bin Laden. (Ulat ni Joy Cantos)