Banggaan ng kotse at truck, 3 patay

SAN LEONARDO, Nueva Ecija – Tatlo katao ang iniulat na nasawi makaraang salpukin ng isang trailer truck ang sinasakyang kotse ng mga biktima sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Brgy. Diversion ng bayang ito kamakalawa.

Si Roel Ibañez ng 1313-A Mayhaligi St. Sta. Cruz, Manila ay kaagad namatay, samantala, binawian naman ng buhay sa Gonzales General Hospital sina Rolando Calumna at Charlie Danilo na kapwa residente ng 871 Int., Quezon Blvd., Sta. Cruz, Manila.

Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang driver ang trailer truck (WNM-907) na si Samuel D. Jose ng Aguguican, Gattaran, Cagayan.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ng Mitsubishi Adventure (WNR-524) ang mga biktima nang mawalan ng kontrol ang manibela bandang alas-12:30 ng madaling-araw.

Dahil sa bilis nang pagpapatakbo ni Jose ng kanyang minamanehong truck ay hindi na nito naikabig pa kaya sumalpok sa kasalubong na kotse ng mga biktima. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments