2 kabataan pinatay dahil sa upuan

BUTUAN CITY – Dahil lamang sa pinag-awayang upuan sa sayawan ay nagawang pagbabarilin hanggang sa mapatay ang dalawang kabataang babae’t lalaki ng isang police asset sa Pesta ng Sto. Niño sa Brgy. Banza ng lungsod na ito kamakalawa ng madaling-araw.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Alladin Cleopas, 19 ng Purok 6, Brgy. Libertad, Butuan City at Argie Avergonzado, 18 ng Buenavista, Agusan del Norte.

Samantala, ang suspek na nakilala lamang sa alyas na Dexter ay hindi magalaw ng mga miyembro ng pulisya dahil sa nagsisilbing informer at tauhan ng isang mataas ng opisyal ng Butuan PNP station.

Ayon sa police blotter, naganap ang pangyayari dakong ala-1:30 ng madaling-araw makaraang pumasok ang senglot na suspek sa Banza Barangay Hall na idinaraos ang sayawan.

Dahil sa kalasingan ay naghanap ng mauupuan ang suspek subalit ang nakuhang upuan ay may nakaupo na at nagsasayaw lamang.

Matapos ang sayawan ay pinaalis na ng mga biktima ang senglot na suspek hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo saka ito umalis.

Kaagad naman bumalik ang suspek na may dalang baril at sunud-sunod na pinaputukan ang mga biktima sa harap ng iba pang kasamahang kabataan. (Ulat ni Ben Serrano)

Show comments