Ama tinaga, sinaksak ng anak na praning

CAMP VICENTE LIM, Laguna – Walong saksak sa katawan at tatlong taga sa ulo ang tinamo ng isang 68 anyos na ama buhat sa anak na may kapansanan sa pag-iisip na nagalit dahil sa hindi ito naipaghain ng pagkain kamakalawa sa Sitio Taytayin II, Brgy. Tinitian, Roxas, Palawan.

Namatay noon din ang biktimang si Sergio Ramos, biyudo habang ang anak nitong si Parmelito na may kapansanan sa pag-iisip ay nadakip ng mga awtoridad sa kabilang ibayo ng nasabing barangay.

Sa report ng pulisya, dakong ala-1ng tanghali ay gutom na gutom na umuwi ng bahay ang batang Ramos buhat sa paglalaro.

Tinawag nito ang ama na ipaghain siya ng pagkain, subalit dahil sa natutulog ay hindi nito narinig ang kahilingan ng anak at inakalang binabalewala siya.

Makalipas ang ilang minuto ay pinasok ng suspek na armado ng itak ang kuwarto ng ama at walang sabi-sabing pinagtataga at ng hindi pa nasisiyahan ay sinaksak pa ito.

Matapos na mapatay ang ama ay parang walang nangyari na lumabas ng bahay para muling maglaro at dito na siya inaresto ng awtoridad. (Ulat ni Ed Amoroso)

Show comments