Mayamang doktora kinidnap ng Pentagon

Dinukot ng mga armadong kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Pentagon kidnap-for-ransom (KFR) syndicates ang isang milyonaryong doktora sa panibagong pag-atake ng grupo sa Cotabato City kamakalawa ng gabi.

Sa isang phone interview, kinumpirma ni Brig. Gen. Raul Relano, Assistant Commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) mula sa himpilan nito sa Cotabato na dalawa sa mga kidnappers ang napaslang sa isinagawang pursuit operations at isa ang nasugatan.

Kinilala ni Relano ang bagong kidnap victim ng Pentagon na si Dra. Rosemarie Agustin, ng Gutierrez Avenue sa nabanggit na lungsod.

Ang biktima ay asawa ni Dr. Gerardo Agustin, may-ari ng Cotabato Medical Specialist Hospital at ng karamihang mga gasoline stations sa buong Cotabato City at Midsayap, Cotabato.

Gayunman, ayon kay Relano ay wala pang pagkakakilanlan sa dalawang nasawing kidnappers.

Sinabi ni Relano na ang biktima ay dinukot dakong alas-9:33 ng gabi ng mga armadong kalalakihan na kumatok pa sa bahay ng biktima.

Nang pagbuksan ng pinto ay agad na tinutukan ng baril ng mga suspek ang biktima habang ang iba pa ay nagsilbing lookout.

Ang biktima ay kinaladkad ng mga suspek pasakay sa isang kulay-pulang Toyota Corolla (NLX 237) na get-away car patungo sa direksiyon ng Cacar area.

May ulat na pagsapit sa nasabing lugar ay mabilis na isinakay ang biktima sa naghihintay na motorboat saka dinala sa hindi pa mabatid na destinasyon.

Kaugnay nito, agad na ipinag-utos ni Major Gen. Roy Kyamko, Commanding General ng 6th ID sa Task Force Sagittarius ang pagsasagawa ng hot pursuit operations laban sa mga kidnappers. (Ulat nina Boyet Jubelag at Joy Cantos)

Show comments