Barangay Chairman dedo sa nag-amok na pulis

Isang aktibong barangay chairman ang iniulat na nasawi makaraang pagbabarilin habang inaawat ang senglot na pulis na nag-amok sa pampublikong plaza sa Iloilo City kamakalawa.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Iloilo Doctor’s Hospital ang biktimang si Bernard Acap ng Brgy. Motion Arevalo ng nabanggit na lungsod.

Kaagad naman nadakip ang abusadong pulis na nakilalang si PO1 Avelino Ane na miyembro ng PNP Regional Support Group (PRSG-6).

Sa ulat mula sa Camp Crame, naganap ang krimen dakong alas-12 ng tanghali sa nabanggit na lugar.

Sa impormasyong nakalap ng pulisya, nakatanggap ng tawag sa telepono ang biktima na nagwawala ang suspek sa plaza sa pamamagitan ng pagbabasag at namamato ng bote sa mga dumaraang residente.

Agad naman rumesponde ang biktima upang awatin ang suspek sa ginagawang pagwawala ngunit sinalubong ng sunud-sunod na putok ng baril na naging dahilan ng kanyang maagang kamatayan. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments