Triggerman ng 'Patiag Group' tigok sa barilan

GAPAN CITY, Nueva Ecija – Matapos na masakote ng mga awtoridad ang lider ng "Amang Patiag Group" ay napatay naman sa pakikipagbarilan ang kanang kamay ng una sa Barangay San Nicolas sa lungsod na ito kamakalawa.

Kinilala ni P/Chief Insp. Danilo Formanes ang nasawing killer na si Eduardo N. Amolo, alyas Edwin ng naturang lugar.

Si Amolo ay itinuturing na triggerman ni Luciano "Amang" Patiag na nasakote ng mga awtoridad sa palengke ng Pulilan, Bulacan noong nakaraang linggo.

Sa isinumiteng ulat ni Formanes kay P/ Sr. Supt. Raul Bacalzo, Nueva Ecija police provincial director, nanlaban umano si Amolo sa mga tauhan ni SPO1 Jose Piadoso habang isinisilbi ang warrant of arrest.

Imbes na sumuko ay nakipagbarilan pa ang suspek sa mga tumutugis na pulis hanggang sa tamaan at bumulagta na lamang dahil sa tadtad ng tama ng bala ng baril sa katawan. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments