Ayon sa mga residente, nagtataka sila sa walang tigil na pagdating ng daan-daang mga trak ng basura mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw sa kanilang lugar at itinatapon ang mga basura sa malawak na lupain ng Lupang Arienda na sumasakop sa ilang barangay ng bayang ito.
Sa kabila ng kawalan ng permiso at Environmental Compliance Certificate (ECC) buhat sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Laguna Lake Development Authority (LLDA).
Nabatid na nagtatapon dito ang REN Transit (200 truck units) na contractor ng bayan ng San Juan, Lipana Trucking (60 units) contractor ng Makati at Mandaluyong City at Greenline Transit (200 units) na contractor ng Caloocan City.
Ayon sa isang source na dating empleyado ng REN, malaking pera umano ang kapalit ng pagtatapon ng basura sa Lupang Arienda matapos na walang alternatibong solusyon na makuha ang MMDA matapos na magsara ang San Mateo Landfill.
Sinabi nito na tumanggap umano ang lokal na pamahalaan ng Taytay sa pamumuno ni Mayor Jojo Zapanta ng P200 na unang bayad na tinatanggap ng isang nagngangalang Avel Delos Santos na siyang nagsisilbing negosyador ng kasunduan.
Tinangkang kuhanan ng PSN ng panig si Mayor Zapanta ukol sa isyu ngunit wala umano ito sa kanyang opisina, ayon sa isang Ka Nanding na administrator ng bayan.
Kasama rin umano dito ang pangako na magtatayo ng mga infrastructure projects tulad ng multi-purpose hall at basketball courts ang mga contractor.
Bukod dito, naniningil rin ito ng P200 kada biyahe ng isang trak ng basura habang tumatanggap rin umano ng P20,000 kada buwan ang lokal na pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)