Kinilala ang nasawing si Chief Master Sergeant Roberto Aniban, Command Sergeant Major ng buong AFP Southcom matapos magtamo ng apat na tama ng bala sa dibdib at tiyan.
Ang suspek ay nakilala namang si Technical Sergeant Damsani Pajari na agad ring nadakip ng mga operatiba ng military police at ng Sinunuc PNP matapos ang pamamaril sa kanyang opisyal.
Sa ulat na nakalap kahapon sa tanggapan ni Philippine Army Chief Lt. Jaime de los Santos, dakong alas-3:20 ng hapon kamakalawa nang biglang nag-amok si Pajari sa headquarters ng Service Company kung saan nakabase ang tanggapan ni Aniban.
Nabatid na nasa impluwensiya ng alak ang suspek nang dumiretso sa opisina ni Aniban.
Agad umanong binunot ni Pajari ang kanyang kalibre .45 pistol at walang sabi-sabing pinaputukan ng sunud-sunod si Aniban.
Mabilis namang rumesponde ang mga kagawad ng Southcom Military Police at tinangkang dalhin ang biktima sa Zamboanga General Hospital subalit huli na ang lahat.
Lumalabas naman sa pangunang pagsisiyasat na lubhang naapektuhan ang pag-iisip ng suspek dahil na rin sa kinasasadlakang problema sa pamilya na siyang hinihinalang sanhi ng pag-amok nito.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kasong kriminal laban kay Pajari kasabay na rin ng pagsailalim nito sa court martial proceedings. (Ulat ni Joy Cantos)