3 katao tinodas ng lasing na guro

PLACER, Masbate – Tatlong katao ang nasawi kabilang ang isang 10-anyos na batang lalaki matapos ang mga ito ay barilin ng isang lasing na guro sa loob ng compound ng Verdida Sabrido National High School sa Sitio Bugtong Cawayan, Brgy. Cabangcalan, kamakalawa ng gabi.

Ang mga nasawi ay nakilalang sina Rommel Sabrido, 27, may-asawa; Arnulfo Bacatin, 36 at Efren Perino,10 at pawang residente ng nasabing lugar.

Agad namang tumakas ang suspek na nakilalang si Rostico Perveda Jr., 35, may-asawa,high school teacher at kapitbahay ng mga nasawi.

Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:30 ng gabi ay galit na nagtungo ang suspek sa bahay ni Sabrido at hinahanap ang bayaw nitong si Mario Reveria.

Nang malaman ni Reveria na parating ang suspek at armado ng kal.357 ay mabilis itong lumabas ng bahay.

Ganoon na lamang ang galit ng suspek nang hindi nito maabutan ang kanyang pakay at nadatnan sa sala ang mga nasawi.

Ang galit ng suspek ay ibinaling kay Sabrido at binaril ng ilang beses ng dala nitong kal. 357, habang sina Bacatin at Perino ay tinamaan ng ligaw na bala.

Ang tatlo ay namatay noon din sa dami ng tama ng bala sa kanilang katawan at ang suspek ay mabilis na tumakas at napag-alaman na ito ay nagtatago sa kanyang mga kamag-anak sa kalapit na bayan. (Ulat ni Ed Casulla)

Show comments