Nasagip ng mga awtoridad mula sa kamay ng mga kidnappers dakong ala-1:30 ng madaling-araw si Pierre Belanger, asawa ng Pinay na si Niceta at matagal nang naninirahan sa Brgy. Balutakay, Hagonoy, Davao del Sur.
Kinilala naman ni Regional police chief Bartolome Baluyot ang dalawang napatay na sina Boy Saligan at Edong Responde ng Sitio Moros, Brgy. Buenavista sa naganap na engkuwentro laban sa mga nagrespondeng militar at pulisya.
Si Presidential Assistant for Mindanao Jesus Dureza naman ang sumalubong kay Belanger sa Davao International Airport at ibinigay kay Canadian Ambassador to the Phils. Robert Collette saka sumakay ng Lear jet na ipinahiram ng US patungong Malacañang.
Ayon sa ulat, sa pamamagitan ng police asset ay natunton ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga kidnappers na dumukot din sa apat na Sino noong buwan ng June at August , 2001 na ikinasawi naman ng dalawang Chinese dahil sa nagtangkang tumakas.
Magugunitang si Belanger ay kinidnap noong Nobyembre 3 sa beach ng Sitio Liling sa Brgy. Balutakay matapos anyayahan ng grupo ng mga kababaihan sa isang birthday party.
Sinamantala naman ang kadiliman ng mga kidnappers na makatakas at naiwan ang hindi pa mabatid na bilang ng malalakas na armas at bala.
Pinasalamatan naman ni Collette ang tropa ng militar at pulisya na nagsagawa ng rescue operations laban sa Pentagon kidnap gang. (Ulat nina Edith Regalado, AP at Ely Saludar)