Ito ang naging tugon kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ipinahayag na labis na pagkainip ng mag-asawang Amerikanong hostage ng mga bandidong Abu Sayyaf na sina Gracia at Martin Burnham sa mabagal na search and rescue operations ng militar sa Basilan.
Ayon kay AFP Southcom Chief, Lt. Roy Cimatu, ibig nilang matiyak na buhay na maililigtas ang nalalabi pang tatlong hostages na kinabibilangan ng mag-asawang Burnham na mag-aanim na buwan ng hostage at isang nurse na si Deborah Yap.
Kasabay nito, nagpahayag ng paniniwala si Cimatu na posibleng propaganda lamang ng Abu Sayyaf ang pagdaing ng mag-asawang Burnham ngunit hindi umano dapat mabahala ang mga ito dahilan ang kaligtasan ng mga hostages ang prayoridad ng mga operatiba ng militar na nagsasagawa ng operasyon sa Basilan.
Sinabi ni Cimatu na nauunawaan niya ang damdamin ng dalawang banyagang bihag ngunit hindi dapat na magpadalus-dalos dahilan kinakailangang gamitin ang nararapat na istratehiya upang di malagay sa peligro ang buhay ng mga hostages.
"Well get them slowly, we dont risk their lives," pahayag pa ni Cimatu.
Ginawa ni Cimatu ang pahayag bilang tugon sa panawagan ng mag-asawang Amerikanong hostage na ikinokonsidera nila ang pagnanais ng pamahalaan na mailigtas sila gayunpaman ay masyado na umano silang nababagalan sa proseso para dito.
Sa kabila ng pagkainip ng mag-asawang Burnham, naniniwala naman ang militar na maganda ang ginagawang trabaho ng kanilang "operation teams" para mailigtas ang nalalabing hostages dahilan mula sa mahigit 20 bihag ay tatlo na lamang ang kanilang ililigtas sa kamay ng bandidong grupo.
Magugunita na ang mag-asawang Burnham ay kinidnap ng mga bandidong Abu Sayyaf sa Dos Palmas Beach Resort sa Puerto Princesa City, Palawan noong nakalipas na Mayo 27 habang ang nurse na si Yap ay kabilang sa apat na hospital staff na binihag naman sa Dr. Jose Torres Hospital sa Lamitan, Basilan noong Hunyo 2. (Ulat ni Joy Cantos)