11 anyos nasabugan ng grenade launcher, todas

Dead on arrival sa pagamutan ang isang elementary pupil habang ang tatlo nitong kalaro ay nasa malubhang kalagayan makaraang sumabog ang isang grenade launcher na kanilang pinaglaruan kamakalawa sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Ang nasawi ay nakilalang si Hadrudin Usop, 11, grade 5, pupil at residente ng nasabing bayan.

Lapnos naman ang katawan ng mga kalaro nitong sina Boknoy Alim, 8; Mojamad Esmael, 8 at isang hindi pa nakikilalang batang lalaki na pawang nagtamo ng mga sugat sanhi ng tama ng sharpnels.

Sa report ng pulisya, dakong alas-11 ng umaga ay magkakasamang naglalakad ang mga biktima pauwi sa kanilang mga tahanan mula sa pag-aaral sa Shariff Aguak Elementary School.

Aksidenteng natisod umano ng isa sa mga biktima ang 40MM grenade launcher malapit sa Sitio Damalbi, Brgy. Poblacion.

Sa pag-aakalang isang bagay, ito ay kanilang pinaglaruan, ilang minuto lamang ay bigla itong sumabog.

Mabilis na namang sumaklolo ang mga awtoridad at kanilang itinakbo sa Maguindanao Provincial Hospital ang mga biktima, subalit sa daan pa lamang ay namatay na si Usop.

Sa kasalukuyan ay sinisiyasat ng mga awtoridad kung kagagawan ng mga rebeldeng MILF ang pagpapakalat ng nasabing grenade launcher. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments