Miyembro ng SWAT, todas sa walong bala ng bayaw

TANZA,Cavite – Walong bala ang tumapos sa buhay ng isang miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Parañaque, matapos na ito ay pagbabarilin sa loob ng kanyang bahay ng sariling bayaw sa Brgy. Bucal kahapon ng tanghali.

Ang biktima na namatay noon din ay nakilalang si SPO3 Edmundo Rodriguez, 42, may-asawa, ng Brgy. Bucal.

Samantala, sa pagtakas ng suspek na nakilalang si Dante Sosa ay tinangay pa nito ang service firearms ng biktima na cal. 9mm.

Batay sa pangyayari, dumating ang suspek na armado ng cal.45, bandang alas-12 ng tanghali sa bahay ng biktima na sumandaling iyon ay nagpapahinga.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang mag-bayaw na posibleng umanong naungkat ng biktima ang kasong pagpatay ng suspek na naging dahilan ng pagiging wanted nito sa batas.

Kaya’t sa inis ng suspek ay pinagbabaril nito ang biktima ng walong beses na agad nitong ikinasawi. (Ulat nina Cristina Go-Timbang/Mading Sarmiento)

Show comments