5 MILF napatay sa labanan

Limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kabilang sa 70 rebelde ang kumpirmadong nasawi makaraang makasagupa ang tropa ng militar sa bisinidad ng Brgy. Buntong, Salvador, Lanao del Norte noong nakaraang Lunes ng umaga.

Kasalukuyang pang bineberipika ang mga pangalan ng namatay, samantala, wala naman napatay o nasugatan sa panig ng militar.

Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, naganap ang bakbakan dakong alas-11:30 ng umaga habang nagpapatrolya ang tropa ng 26th Infantry Battalion sa nabanggit na lugar.

Ayon pa sa ulat, unang nagpaputok ng sunud-sunod ang may 70 rebeldeng MILF kaya napilitang gumanti ang militar na ikinasawi ng lima.

Tumagal ng may isang oras ang palitan ng putok bago nagsitakas ang mga rebelde sa magubat at bulubunduking bahagi ng nabanggit na barangay.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang ilang subersibong dokumento katulad ng memorandum order mula kay Al Ustadz Jawwaf ben Ali para sa lahat ng kumander ng 305th MILF Brigade; 50 pirasong personal data ng rebel group at mga litrato ng mga miyembro ng rebeldeng MILF. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments