Nanawagan ang mga residente ng Cavite sa tanggapan ng Interior and Local Government na bigyang pansin ang kanilang reklamo laban sa walang tigil na operasyon ng ibat ibang uri ng sugal.
Nabatid sa isang mapagkakatiwalaang impormante na tumangging magpabanggit ng pangalan, sa kabila ng mahigpit na kampaya ng kasalukuyang pamahalaan laban sa ibat ibang uri ng iligal na sugal, lalo pa umanong lumalakas ang operasyon ng jueteng na pinatatakbo ni Central Luzon gambling lord Bong Pineda at Tony Santos sa mga karatig lalawigan tulad ng Laguna, Batangas, Rizal at Mindoro.
Napag-alaman na sa Cavite ay walang humpay umano ang jueteng operation ni Pineda, tulad sa bayan ng General Trias, GMA, Carmona, Mendez, Amadeo, Indang, Kawit, Noveleta, Bacoor at Trece Martirez City.
Nalaman pa rin na may "timbre" umano sa ilang lokal na opisyal kayat patuloy ang operasyon ng jueteng sa mga nabanggit na bayan at lungsod.
Ayon pa rin sa impormante, isang nagngangalang "alyas Lita Kabayo at Emil Cantimbuhan" ang nagpapatakbo ng operasyon ng jueteng sa nabanggit na mga lugar.
Ipinagmamalaki umano ng mga ito na naka-timbre ang operasyon ng jueteng sa tanggapan ni Cavite Governor Erineo "Ayong" Maliksi at sa Philippine National Police (PNP), Cavite Provincial Headquarters sa Camp General Pantaleon Garcia, Imus, Cavite subalit mariing pinabulaanan naman ng tanggapan ni Maliksi ang nasabing akusasyon. (Ulat ni Cristina Go-Timbang)