Nag-amok na maton, tinodas

CALAUAG, Quezon – Nakahanap ng katapat ang isang maton nang ito ay barilin hanggang sa mapatay ng di-nakilalang salarin matapos na ito ay mag-amok habang nasa impluwensiya ng alak kamakalawa ng gabi sa Barangay Sabang Dos ng bayang ito.

Ang biktima na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa ulo ng hindi pa batid na kalibre ng baril ay nakilalang si Zaldy Moran, 50, may-asawa at residente ng nasabing barangay, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang mapagkakakilanlan ng suspek na tumakas matapos ang pamamaslang.

Sinabi sa ulat ng pulisya na dakong alas-7 ng gabi ay lasing na nag-amok si Moran na armado ng itak. Hinahamon umano nito ng away ang kanyang mga kapitbahay subalit dahil sa kilala itong siga ay hindi ito pinatulan.

Nang dumaan ang isang kapitbahay na nagngangalang ‘‘Joel,’’ ito naman ang pinagbalingang lusubin ng biktima subalit nakita siya ni SPO2 Sancho Dansico at sinigawan.

Nag-warning shot paitaas ang pulis kung kaya mapayapa namang tumigil ang una at nangako kay Dansico na hindi na siya magwawala at uuwi na lamang.

Habang naglalakad ng may layong 50 metro pauwi sa kanyang bahay ay hinarang ito ng hindi nakikilalang suspek saka binaril sa ulo ng tatlong beses. (Ulat ni Tony Sandoval)

Show comments