Inamin ng suspek na si Marcelo Estorhio, nasa hustong gulang sa mga awtoridad na isa siya sa dalawang lalaki na sumaksak at nakapatay kay William Amion, 34, may-asawa, tubong Taboso, Negros Occidental at stay-in laborer sa Solar Dryer Compound sa naturang lugar.
Sinabi ni Estorhio na hindi niya alam ang tunay na pangalan ng isa pang suspek na nagtatago pa rin at kinilala niya ito sa alyas na Orly.
Sa imbestigasyon ng San Jose City Police, nabatid na dakong alas-10:30 ng gabi kamakalawa ng naganap ang insidente habang ang tatlo ay masayang nag-iinuman sa loob mismo ng compound ng patuyuan ng palay na pag-aari ni Mrs. Rebecca Salvador.
Sinabi ni Estorhio na nang gabing napatay nila ang biktima ay hindi na umano siya makatulog at nakokonsensiya sa pangyayari dahil na rin ang biktima ay isang mabait na kasamahan sa trabaho. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)