Halos hindi na makilala ang bangkay ng magkakapatid na sina Jovert, 12; Love Mae, 7 at El Ann Kinatac-an, 5.
Ang magkakapatid ay namatay na magkakayakap ng marekober ang kanilang mga katawan.
Nasa kritikal na kondisyon matapos na magtamo ng 3rd degree burn si Andres Kinatac-an, ama ng nasawing mga bata at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa Medical Mission Hospital sa Davao City.
Batay sa ulat na ipinarating kahapon ng Police Regional Office (PRO) 1 sa Camp Crame, bandang ala-1 ng madaling araw nang masunog ang tahanan ng pamilya Kinatac-an na matatagpuan sa Purok 1, Brgy. Sindatun ng nasabing lugar.
Napag-alaman na ang mga biktima ay kasalukuyang mahimbing na natutulog ng aksidenteng matumba ang gasera at nahagip ang kurtina sa may bintana at siyang naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy.
Naalimpungatan umano ang matandang Kinatac-an sa makapal na usok at hindi na nito nagawang mailigtas ang tatlo niyang anak na magkakasamang natutulog sa kabilang silid na tuluyang nilamon ng apoy.
Tinataya namang umaabot sa P60,000.00 ang halaga ng pinsalang nilikha ng sunog.
Kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing imbestigasyon ng mga awtoridad ang nangyaring sunog habang isinailalim na rin sa awtopsiya ang bangkay ng mga nasawing biktima. (Ulat ni Joy Cantos)