2 minero pinatay sa loob ng tunnel

Dalawang minero ang nasawi makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang mga armadong kalalakihan sa loob ng tunnel ng minahan sa Mt. Diwata, Monkayo, Compostela Valley kamakalawa.

Kinilala ang dalawang napatay na sina Florencio Presores at Tony Cosares; pawang minero ng BBL Mining Corporation sa nasabing bayan.

Ang dalawang biktima ay kapwa dead-on-the-spot matapos bistayin ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, ang insidente ay naganap bandang alas-2:30 ng madaling araw sa Purok 4, Mt. Diwata Monkayo, Compostela Valley.

Sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong bumungad sa nasabing minahan ang mga armadong estranghero at pinagbabaril ang dalawang biktima na noo’y kasalukuyang nasa Winch 4 ng tunnel ng BLL Mining Corporation.

Hindi na inabutan ng mga nagrespondeng elemento ng pulisya ang mga suspek na mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments