Sa ginanap na press briefing sa Camp Crame, iniharap ni PNP Chief Director General Leandro Mendoza sa mga mediamen ang mga naarestong suspect na kinilalang sina Fortunato Mangahas, Joel Balauitan at Rogelio Atienza.
Sinabi ni Mendoza na ang mga suspect ay pinaniniwalaang bahagi ng seven-man kidnapping syndicate na aktibong kumikilos sa Cagayan Valley Province.
Nabatid kay Mendoza na ang pinakahuling biktima ng grupo ay isang nakilalang Editha Chua, isang mayamang may-ari ng grocey store na kinidnap ng grupo at hiningan ng P10M ransom noong nakalipas na Agosto 12 sa Tuguegarao City.
Si Chua ay nailigtas ng nasabi ring petsa sa lalawigan ng Isabela ng mga nagrespondeng elemento ng Cagayan Provincial Police Office at ng Regional Intelligence and Investigation Division sa ilalim ng pamumuno ni P/Supt. Jude Santos.
Sinabi naman ni Cagayan PNP Provincial Director P/Supt. Ricardo Padilla na ang pagkakalambat sa mga suspek ay bahagi ng pinaigting na malawakang surveillance operations ng kanyang mga tauhan sa itinuturong hideout ng mga suspek. (Ulat ni Joy Cantos)