Batay sa ulat kahapon mula sa Camp Crame ni Bataan Provincial Police Officer Director P/Supt. Perfecto Palad, ang pagsabog ay naganap sa loob ng refinery na matatagpuan sa Brgy. Lamao sa bayan ng Limay dakong alas-2 ng hapon.
Kinilala ni Palad ang mga nasugatang biktima na sina Zander Diaz, 27; Hector Quicho, 28; Angelito San Pedro, 31 at Ernesto Pencil, 42. Ang mga ito ay mabilis na isinugod sa pinakamalapit na pagamutan para malapatan ng lunas.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, ang pagsabog ay nag-ugat sa tagas ng kimiko mula sa Caustic Neutralization Unit (CNU) kung saan napinsala ang halos buong apparatus ng gusali.
Naitala rin sa P25 milyon ang pinsala sa departamento ng CNU habang tinataya namang P5 milyon ang nawasak sa ilang bahagi ng gusali bunga ng pagsabog.
Si Palad ay personal na nagtungo sa lugar na nagsabing posibleng ang pagsabog ay may kinalaman sa pagkasira ng makina na sanhi ng reaksiyong kimiko mula sa phenol at naphtenic acid.
Sa kabila ng nangyaring insidente, sinabi ni Palad na normal pa rin ang operasyon sa nasabing refinery bagaman at medyo nagkaroon ng tensiyon ang mga empleyado rito.
Ipinalalagay rin ng opisyal na posibleng aksidente ang nangyaring pagsabog base na rin sa testimonya ni Ruben Dalandan, forklift operator ng naturang refinery.
Ayon sa salaysay ni Dalandan kasalukuyan siyang nagdidiskarga ng mga galon ng hydrogen peroxide malapit sa silid ng pinangyarihan ng pagsabog ng mapansin nito ang tagas ng kimiko mula sa CNU kung kayat mabilis siyang lumabas ilang minuto bago ang malakas na pagsabog. (Ulat ni Joy Cantos)