5-anyos na babae ni-rape/slay ng adik

ANTIPOLO CITY – Nagtamo ng isang malalim na hiwa sa leeg ang isang 5-anyos na batang babae na pinaniniwalaang ginahasa muna bago brutal na pinatay ng isang kilalang adik, kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang biktima na si Jessa May Srugal, ng Sitio Bagong Purok, Bgy. San Jose, Antipolo. Dinala na ang bangkay nito sa PNP Crime Laboratory upang maberepika kung ginahasa muna ang biktima bago pinatay.

Agad namang naaresto ng pulisya ng suspek na si Emilio Penebela, 34, tricycle driver, ng naturang lugar. Kilala umano si Penebela na adik sa shabu sa kanilang lugar.

Sa imbestigasyon, nabatid na nagtungo ang biktima kasama ang ina nito sa isang lamay ng patay sa kanilang kapitbahay dakong alas-7 ng gabi. Habang abala ang ina nito, bigla na lamang umanong nawala sa paningin niya ang anak at hindi na bumalik sa kanya sanhi upang ipahanap niya ito.

Dakong ala-1:30 na ng madaling araw nang matagpuan ng ilang residente ang duguang biktima sa loob ng isang Ford Fiera na naliligo sa sarili niyang dugo.

Inaresto naman ng pulisya si Penebela matapos na matagpuan ang patalim na ginamit sa krimen sa loob ng van at nakilala ng ilang residente na pag-aari ng suspek.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong murder laban sa kanya at posibleng madagdagan pa ng kasong rape kapag lumabas na positibong ginahasa ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments