Kinilala ang nasawing biktima na si Omar Gulam, 43, ng Barangay Damalusay, Datu Paglas, Maguindanao, isang kleriko ng relihiyong Islam at isang prominenteng lider ng sibiko sa lugar.
Dalawa sa mga kaanak nito na hindi nabatid ang mga pangalan ang malubhang nasugatan sa naganap na madugong pag-atake.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Aguinaldo, naganap ang pangyayari bandang alas-12:20 ng tanghali nitong Lunes habang mataimtim na nagdadasal ang mga biktima sa loob ng mosque sa Barangay Damalusay kasama ang ilan pang residenteng Muslim sa lugar.
Nabatid na apat na armadong kalalakihan ang bigla na lamang pumasok sa loob ng naturang mosque at walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ang mga biktima. Dahil dito, nagpanic ang iba pang Muslim sa loob ng simbahan na nagresulta sa bahagyang pagkakagulo.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na posibleng personal na hidwaan o di kayay paghihiganti ang naging motibo ng brutal na pamamaslang. Ayon naman sa mga imbestigador, mayroon na silang nakalap na impormasyon na tutukoy sa pagkakakilanlan sa mga armadong salaring pumaslang sa biktima. (Ulat ni Joy Cantos)