Kinilala ni Supt. Antonio Ilagan, chief of police sa bayang ito ang mga biktima na sina Rico Alcantara, ng Phase 11 San Pablo City, Vivencio Gatchalian ng Antipolo City at isa pa nilang kasama na inaalam pa ang pangalan.
Kasalukuyan namang iniimbestigahan sa Batangas Police Provincial Office ang suspek na pulis na si SPO4 Isidro Ancheta.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling araw nang maganap ang pangyayari. Sakay umano ang mga biktima ng isang Isuzu Elf six wheeler truck at pabalik-balik sa may harapan ng garahe ng bahay ng pulis. Nang sitahin umano ng pulis ang mga biktima ay biglang nagpaputok ang mga ito hanggang sa gumanti na rin ang pulis gamit ang isang armalite rifle at napatay ang tatlo.
Pinasinungalingan naman ng pamilya ng mga biktima ang ulat ng pulisya gayun rin ni Mayor Victor Portugal sa pagsasabing lehitimong mga electrician sa isang trucking services ang mga biktima at hindi mga notoryus killer ang mga ito na ibig palabasin ng pulisya.
May palagay ang mga kaanak ng tatlong napatay na rub-out ang naganap at ang sinasabing mga baril na nakuha sa tabi ng mga bangkay ng biktima ay pawang mga planted lamang.(Ulat ni Tony Sandoval)