Sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Crame, paghihiganti ang nasisilip na motibo ng mga awtoridad sa krimen dahil ang dalawang biktima ay kapwa naging asset ng Philippine Army laban sa komunistang kilusan matapos na magbalik loob ang mga ito sa pamahalaan.
Ayon sa imbestigasyon ng Police Regional Office (PRO) 11 bandang alas-9:30 ng gabi ng dukutin ng hindi pa mabatid na bilang ng mga suspect ang biktimang si Manolito Tapia alyas Ka Noling sa Sitio Mambusao, Brgy. Ngan, Compostela, Compostela Valley.
Ang bangkay ni Tapia ay natagpuang nakagapos ang mga kamay, nakatali sa isang puno na may langgam at may tama ng bala sa ulo at may palatandaang tinorture muna ito bago tuluyang pinatay ng mga rebelde.
Lumilitaw sa imbestigasyon, na ang biktima ay dinukot ng grupo ng mga dati nitong kasamahang rebelde sa pamumuno ni Roberto Rosete alyas Ka Alex.
Sa isa pang insidente, nilikida rin bandang alas-10:00 ng umaga ng grupo ng mga rebeldeng komunista ang isa pang rebel returnee na si Noel Labial alyas Masoy sa Sitio Upper Bango, Brgy. Ngan, Compostela.
Ayon sa imbestigasyon, nagawa pang makatakbo ng biktima sa Portal Balunos Tunnel habang hinahabol ng grupo ng mga rebelde na pinamumunuan ni Roberto Rosete alyas Ka Alex.
Natakasan at nailigaw ni Labial ang grupo ni Rosete subalit pagsapit sa magubat na bahagi ng nasabing lugar ay binistay ito ng bala ng isa pang grupo ng mga rebelde. (Ulat ni Joy Cantos)