Ama at 9 buwang gulang na anak tinodas

Isang mag-ama ang nasawi kabilang ang isang siyam na buwang sanggol samantalang dalawa pa ang nasa kritikal na kondisyon makaraang ratratin ng bala ng isang grupo ng mga tinaguriang motoryus na kriminal ang kanilang kabahayan kamakalawa ng madaling-araw sa Bohol.

Dead on the spot bunga ng maraming tama ng bala na tinamo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mag-ama na sina Carlito Handugan, 9 na buwan, at Rodolfo Handugan, 35, pawang mga residente ng Sitio Mabari, Brgy. Anunang, Valencia sa nasabing probinsiya.

Samantala, agaw-buhay naman ngayon ang dalawa pa nilang mga kasambahay na sina Florentina Handugan at anak nitong si Charlito,14.

Sa report na nakarating kahapon sa Camp Crame, isang grupo umano ng mga kalalakihan sa pangunguna nina Saturnino at Renerio Dalogdog ang pumaligid sa tahanan ng mga biktima sa nasabing lugar dakong ala-1 ng madaling-araw.

Sinasabing ang dalawang mga suspek ay matagal nang wanted sa kanilang lugar dahil sa iba’t ibang kasong kriminal na kinakaharap ng mga ito.

Nang mga oras na nabanggit ay mahimbing umano na natutulog sa loob ng kanilang kabahayan ang mga biktima nang ito ay paulanan ng mga bala ng mga suspek na nag-resulta upang mapuruhan ang nasabing sanggol na natutulog noon sa pinakasulok ng kabahayan at si Rodolfo na katabi nito sa pagtulog.

Matapos ang ginawang pag-atake ay mabilis na tumakas ang grupo at hindi na umano nagawa pang pigilan ang mga ito ng ilang saksing kapitbahay bunsod na rin ng matinding takot.

Sa kasalukuyan masusing sinisilip ng mga awtoridad ang motibo na matinding galit sa isang miyembro ng pamilya. Handugan ang dahilan kung bakit isinakatuparan ng grupo ang krimen. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments