Magsasaka tinodas sa harap ng asawa

TAGAYTAY CITY – Isang 57-anyos na magsasaka ang iniulat na binistay ng bala ng baril hanggang sa mapatay ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan habang nakasakay sa kanyang owner type jeep kasama ang asawa sa kahabaan ng Tagaytay-Calamba Road, Barangay Tolentino East ng naturang lungsod kahapon ng umaga.

Ang biktima na nagtamo ng maraming tama ng bala ng baril ay kinilalang si Rodolfo Sanchez, may asawa ng Brgy. Lumil, Silang, Cavite.

Samantala, ang mga suspek na hindi pa nakikilala ay mabilis na tumakas sakay ng isang pampasaherong jeep na may plakang NDT-563 patungong Calamba, Laguna.

Sa ulat ni SPO2 Leonardo Mojica, may hawak ng kaso, dakong alas-7:45 ng umaga nang maganap ang pananambang sa biktima habang sakay ng nabanggit na sasakyan na may plakang DTU-361 mula sa palengke.

May teorya ang pulisya na pagkapanalo sa kasong may kinalaman sa ipinaglalabang malaking lupain na pag-aaari ng biktima ang naging motibo ng krimen. (Ulat ni Cristina Go-Timbang )

Show comments