Batay sa ulat mula sa himpalan ng Basilan PNP, tinatayang aabot sa 50 miyembro ng bandidong Sayyaf at rebeldeng MILF ang umatake sa Brgy. Pamatsaken at Baiwas ng naturang bayan.
Ayon pa sa ulat ng pulisya, ang mga bandidong Sayyaf at rebeldeng MILF na pinamumunuan nina Kumander Querino Manalul Lambungan at Amir Mingkong ay nagsimulang mamaril sa mga kabahayan dakong alas-5 ng madaling araw ng Linggo.
Nabatid naman kay Col. Hermogenes Esperon, Armys 103rd Brigade and Task Force Tornado commander na tumagal ng may 30 minuto ang pananalakay at walang habas na pamamaril ng mga Sayyaf at MILF sa mga kabayahan subalit apat sa mga nasawing biktima ay hindi kaagad nakuha ang mga pangalan.
Isa sa mga nasawi ay nakilalang si Husirin Hailul, samantala, ang kapatid nito na si Dusiyan Hailul ay malubhang nasugatan.
Napag-alaman pa sa ulat ng militar, ang magkapatid na Hailul ay dating miyembro ng Sayyaf bago sumuko sa pamunuan ng 10th Infantry Battalion ng Phil. Army sa Sitio Squatter.
Bago tuluyang tumakas ang mga Sayyaf at MILF na natunugang may mga nagrespondeng tropa ng militar ay nanunog pa ito ng may pitong kabahayan. (Ulat ni Roel Pareño)