Dalagita ni-rape ng adik sa sementeryo

CABANATUAN CITY – Isang 14-anyos na batang babae ang dinukot ng mag-asawang lango sa droga saka ginahasa sa sementeryo habang hawak ng asawang babae ang kamay ng biktima noong Setyembre 4 ng gabi sa Barangay San Juan Accfa ng lungsod na ito.

Ang biktima na luhaang dumulog sa himpilan ng pulisya ay itinago sa pangalang Amor ng Barangay Langla, Jaen, Nueva Ecija.

Samantala, ang mag-awang suspek na ngayon ay tinutugis ng pulisya ay kinilalang sina Larry at Bing Herrera ng nabanggit din barangay.

Sa salaysay ng biktima sa pulisya, naganap ang maitim na balak ng mga suspek badang alas-7 ng gabi sa loob ng sementeryo ng nabanggit na lugar.

Nabatid pa sa ulat ng pulisya, tinalian ang dalawang kamay at paa ng biktima saka hinalay ito ng lalaki habang nakamasid ang asawang babae.

Nakatiyempong makatakas ang biktima makaraang makalingat ito dahil sa matinding pagod sanhi ng droga at kaagad na dumulog sa himpilan ng pulisya kasama ang isang nagngangalang Ramon Lacanilao, isang miyembro ng police auxillary force na nakakita sa biktima na naglalakad na mag-isa. (Ulat ni Christian Ryan Sta. Ana)

Show comments