Ito ang inihayag kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Diomedio Villanueva kaugnay na rin ng palugit na hanggang buwan ng Nobyembre upang tuluyang puksain ang ASG at ligtas na mabawi ang mga hostages.
Gayunman, tumanggi si Villanueva na tukuyin ang ekstaktong bilang ng tropang idinagdag sa puwersa ng mga sundalo laban sa mga bandidong Abu Sayyaf.
Ayon kay Villanueva, ang karagdagang puwersa ay binubuo ng mga tauhan ng Philippine Marines, Philippine Army at palalakasin rin ang mga elemento ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) na mas higit na bihasa sa nasabing lalawigan.
Sinabi ni Villanueva na malaki ang maitutulong ng presensiya ng maraming mga CAFGU sa operasyon ng militar sa Basilan.
Sa kasalukuyan, may 5,000 tropa ng mga sundalo ang nakikipaglaban sa mga bandido.
Ang nalalabi pang mga hostages ay apat mula sa Dos Palmas sa Palawan na kinidnap noong Mayo 27; apat na staff ng hospital na kinidnap matapos salakayin ang Dr. Jose Torres Hospital noong Hunyo 2 sa Lamitan, Basilan at ang sampu pang karamihan ay mga kabataang lalaki na binihag naman sa Lantawan, Basilan noong nakalipas na Hunyo 11. (Ulat ni Joy Cantos)