Ito ang mariing sinabi kahapon ni Irene Ramos, asawa ni Dennis Ramos na tinambangan at napatay ng tatlo hanggang apat na armadong hindi kilalang kalalakihan sa Brgy. Zapote 4, Bacoor, Cavite ng umaga.
"Masyadong mababaw ang dahilang ibinigay ni Benedicto Maliksi, Jr. sa pulisya na nagkasuntukan muna sila saka inagaw ni Ramos ang kanyang baril kaya napilitan itong pagbabarilin ang aking asawa," pahayag ni Irene.
Si Maliksi Jr. na umanoy malayong kamag-anak ni Cavite Gob. Ireneo "Ayong" Maliksi ay umaming siya ang bumaril at nakapatay kay Ramos at boluntaryong sumuko kay Cavite Provincial Director P/Sr. Supt. Samuel Pagdilao kasama ang kanyang ama at dalawang pulis na sina P/Sr. Insp. Francisco at SPO4 Celso Moral noong madaling araw ng nabanggit na petsa.
Gayunpaman, nagpahayag ng pangamba at hindi kumbinsido ang mga mamamahayag sa Cavite partikular na ang mga kaibigang reporters ni Ramos na nakabase sa Maynila na ang sumukong killer na si Maliksi, Jr. ay isang fall guy.
"Siguradong fall guy si Maliksi, Jr. upang ilihis lamang ang imbestigasyon ng pulisya at mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI)," ani Irene.
"Dahil maraming nakasaksi sa krimen na tatlo hanggang apat na armadong hindi kilalang kalalakihan ang bumaril at nakapatay kay Ramos habang ito ay papalabas ng masikip na eskinita mula sa kanyang ninong na si Angel "Bulag" Torres bandang alas-11 ng umaga noong nakaraang Biyernes (Agosto 24)," dagdag pa ni Irene.
Ayon pa kay Irene, si Ramos ay marami nang natatanggap na pagbabanta sa buhay bago pa magsimula ang May 14 elections hanggang sa matapos ito dahil sa matinding pagbubulgar ng anomalya ng ilang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Bacoor partikular na ang mga tinaguriang gambling lord sa kanyang kolum. (Ulat nina Mario Basco at Cristina Go-Timbang)