Barangay captain inambus sa piyestahan

Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang brgy. captain ng tatlong armadong hindi kilalang kalalakihan habang ang biktima ay nagsasayaw sa disco party sa pagdiriwang ng kapistahan sa Brgy. Bucayan, Duminag, Zamboanga del Sur, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Brgy. Captain Enerio Banquiao, Jr, 43 ng nabanggit ding barangay.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek na pinaghihinalaang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front matapos isagawa ang pamamaslang sa biktima.

Base sa ulat na nakarating sa Camp Crame, bandang ala-1:30 ng madaling araw nang isagawa ang krimen ng mga suspek matapos na tabihan habang sumasayaw ito.

Dahil sa sunud-sunod na malakas na putok ng baril ay nagpanakbuhan ang mga tao sa matinding takot na madamay at sinamantala naman ng mga suspek na makihalo upang hindi makilala. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments